
with:
Honey Cruz, Direk Connie Macatuno and Kooky Tuason
photos by:
SYKE Dolero




SEQ. 3
BUS
samahan mo kaya ako
sa paglakbay sa mundong ito?
abutin ang mga pangarap
lumangoy sa mga ulap
o kaya’y magtampisaw sa baha ng Cubao
magmeryenda ng isaw
mangdaot ng tao
habang kumakain ng halo-halo ni aling
rosario
isusulat ko ang lahat
dito sa aking aklat
parang ang bus na ito
may mga bagahe
may kuwento
pero ayoko din namang magsumamo
na sige na, subukan natin’to
ang gusto ko’y manggaling din sa ‘yo
lambingin mo ako
bigyan ng mga rosas
mahalin ng walang kupas
sananga ganito ang bukas
isang pagsasamang wagas
nguni’t basbas ng Maylikha
ay hindi ko pa nakikita
kailan kaya malalaman
na ikaw na nga ang walang hanggan
hayaan mong namnamin ko muna ang bawat araw
na ang kapiling ay ikaw
SEQ. 32
BISPERAS
malamig
ito ang masarap sa ganitong oras
nag-aagaw ang kahapon at bukas
pananabik at saya
ang iyong madarama
lalo na kung marami kang kasama
para kumain ng noche Buena
o buksan ang mga sorpresa
pero higit pa sa lahat nang ito
ang Pag-ibig na nadarama ko
para sa taong katulad mo
nararamdaman ang ligaya
nawawala ang pangungulila
dahil alam kong nandiyan ka na
kasalo
sa Bisperas ng Pasko
SEQ. 16-A
PAGSUMAMO
aba Ginoong Maylikha
buksan iyong mga mata
dinggin ang dasal ng iyong nilikha
haplusin ang pusong nangungulila
hinihintay ang kabiyak ng aking kaluluwa
makakasama hanggang sa pagtanda
sa mundong iyong itinakda
kung inyong mararapatin
ako at siya
magiging isa
SEQ. 36-A
iSA KANG PANAGiNiP
isa kang panaginip
nakikita, nadarama
naririnig ang iyong tawa
kaunti na lang
at ikaw ay mahahawakan ko na
nakapagtataka
hindi maiwaksi ng isipang balisa
ito ba’y ang tadhana
nang bukas na hindi pa makita?
isang panaginip na walang kasagutan
nanunuot sa aking kaibuturan
SEQ. 44
PARU-PARO
ilang araw na nakalambitin
umiindayog dala ng hangin
nagtitiis
nagninilay
ayaw nang humimlay
sa paghihintay
umaasang makaalpas
mahanap ang tamang landas
makita ang maraming kulay
ng mundong dalisay
gamit ang hibla ng buhay
SEQ. 48
SANGANDAAN
sangandaan, sangandaan
ituro ang tamang lansangan
tahakin ang karimlan
kung nasaan ang liwanag ng walang hanggan
naliligaw sa katanungan
naghihintay ka ba sa huling hantungan?
o mag-isa akong maglalakad sa kawalan?
SEQ. 71
UMAGA NA
ginising ako ni Bathala
sa pagdampi ng umaga
sa aking mukha
o, anong ligaya
nang araw na pinagpala
kapiling ka na
aking sinta
para akong nasa ulap
namumukadkad na mga rosas aking nalalanghap
matingkad ang mga kulay
wala nang sasaya pa
sa ganitong buhay
tapos na ang paghihintay
KANTO
Sa Kanto ng Langit at Lupa
Hinihintay si Tadhana
Dapat ba akong umasa
O ‘di kaya’y mangamba?
Maraming naging kaibigan
Pero iilan lang ang maaasahan
Ang iba’y nang-iiwan
Pupulutin ka sa kangkungan
Pati ang mailap na Pag-ibig
Bibihira ang masasabing inibig
Lalo na kung panandalian
May hangganan ang Pagmamahalan
*poetry by Miguel Pancho
No comments:
Post a Comment